Ang badyet ng OVP sa ilalim ni Robredo na inihanda noong panahon ng ama ni Duterte, dating pangulong Rodrigo Duterte ay dumanas ng ilang beses na pagbawas, kung saan ang mga bersyon ng NEP ay hindi umabot ng P1 bilyon.
Ayon sa Budget of Expenditures and Sources of Financing ng Department of Budget and Management para sa fiscal year 2023, ang OVP sa ilalim ni Robredo ay may aktwal na badyet na P945.4 milyon. Pagkatapos ay binawasan ito patungo sa P713.4 milyon sa ilalim ng 2022 NEP na nag-udyok sa mga mambabatas na hilingin na ito’y itaas man lang sa P1 bilyon.
Para sa 2023 NEP, na inihanda noong si Bise Presidente Duterte na ang nasa puwesto, ang iminungkahing pondo ay tumaas sa P2.305 bilyon.
“Malinaw na mas malaki ang mga badyet na nakuha ni VP Sara kaysa kay VP Leni,” binigyang-diin ni Gonzales.
Ilang beses na binanggit ni Robredo, habang siya ang pangalawang pangulo, na ang maliit na badyet ay hindi magiging hadlang sa kanyang opisina sa pagtupad ng mandato nito. Noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, nakipag-partner si Robredo at ang OVP sa pribadong sektor upang maghatid ng mga pangunahing serbisyo—tulad ng libreng sakay ng bus para sa mga frontline workers, libreng pagkain, mga quarantine facilities, mobile testing centers, at isang telemedicine platform na naging mahalagang bahagi ng triage.
Gayunpaman, may mga pagkakataon na umaasa si Robredo na maibabalik ang nabawas na badyet ng kanyang opisina. Noong Oktubre 2018, pinasalamatan ni Robredo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa agarang pag-apruba ng kanilang iminungkahing badyet, ngunit nanawagan siyang ibalik ang P100 milyon na tinanggal.
Si Duterte at ang kasalukuyang OVP ay nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat matapos lumabas sa mga pagdinig ng badyet sa Kamara ang iba’t ibang isyu tungkol sa mga confidential funds noong 2022 at 2023, at mga anomalya sa paghahatid ng mga proyekto.
Walang iba kundi si House Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang nagsabing maaaring mapanagot si Duterte para sa graft kung hindi niya maipapaliwanag kung paano nagamit ang mga pondo, partikular na sa mga item na may mga masamang natuklasan mula sa Commission on Audit (COA).
Nagbigay ang COA ng notice of disallowance laban sa P73.2 milyon ng P125 milyong confidential fund ng OVP para sa 2022—isang item na sinabi ng ilang mambabatas na hindi dapat na mayroon sa simula, dahil ang orihinal na badyet na inihanda sa ilalim ni dating Bise Presidente Leni Robredo ay walang ganitong item.